Lunes, Oktubre 26, 2015

Maikling Kwento


Boloy
Ni: Domingo G. Landicho

Magsisiyam na taong gulang na paslit siyang may malilikot na mata, at parang laging may kinatatakutan. Patpatin siya, at iyon ay lalo mong mahahalata sa kanyang nanlalalim na mata at sa tila walang lamang bisig. Marumi at amoy pawis ang kanyang sirang kamisetang may nakapintang pangalan ng isang naging kandidato sa pagkasenador; at palibhasa’y masikip na sa kasusuot nang kasusuot, hindi maikukubli roon ang nakausling buto sa kanyang balikat at ang hungkag na dibdib. Sunog sa araw, pangit ang pagkapangitim ng kanyang murang balat. At sa malayo, parang kay-pangit na bata siya. Malago ang kanyang buhok, na sa dakong tuktok ay nakatirik, at sa dakong unahan ay nakasambulat sa noo. Sa biglang tingin ay iisispin mong isa siyang haragan. Ngunit kung tititigan mo siyang mabuti ay mapapansin ang waring nakatago ngunit hindi maikukubling kalumbayan ng kanyang mga mata, at kung tititig lamang iyon sa iyo, paningin yaong parang napaaawa sa kaluluwa. Hindi naman tatagal nang pagtitig pagkat iiwas sa iyo at parang sa kabila ng gayong kawalang pag-asa ay may tinataglay pa ring munting pagkabayani.
Kahapon ay naroroon siya sa duluhan ng nayon, na mula sa isang poso artesyano ay may balagwit siyang pingga na may dalawang latang igibang nakasakwit sa dalawang sabitan. Ang mga latang puno ng inigib ay halos sumayad na sa lupa pagkat yumuyuko ang pingga sa bigat ng nakasakwit. Titigil iyon sa isang pultahan, sa bahay nina Ka Isang na walang tagaigib, at mula roon, dadako na naman siya sa poso, habang ang mukha ng lupang daanan ay nakapapaso na halos sa mga murang paang walang sapin. Muling tutungga sa poso, muling babalagwitan ang dala, ipagbibili, babayaran, at kakain. Doon, mararatnan niya ang isang babaeng kandong ang isang sanggol, na pilit na pinasususo sa payat na dibdib. Sa dalawang sulok, sa may dakong silangan ng iisang kuwartong kabahayan, naglalaro ang dalawang paslit, isang babae at isang lalaki. Sasalagmak ang bata sa sahig; pagkakuha ng isang pinggang nilagyan ng sinaing na mais na pula, kukunin ang isang bote ng bagoong at magsisimulang sumubo. Nakatitig siya habang kumakain sa hubad na mukha ng paligid, ng karalitaan. Iyon ang isang maliliit na kabahayang siyang kainan, siyang tulugan. Sa may timog, nakabunton ang malilibag na unang ponda. Sa may isang sulok, nakatayo ang tiniklop na banig. At doon, parang alipin ang kanyang ina at ang kanyang tatlong kapatid. Nakadama siya ng sumisigid na paghihmagsik.
“Magkano ang napag-igiban mo, Boloy?” paos at mahina ang tinig ng kanyang ina.
“Sansalapi, Inang.”
“Ibigay mo muna sa’kin,” napauunawa ang tinig ng ina. Napatingin sa mukha ng ina ang bata na parang may sinisinag na katotohanan.
“Mam’ya ko na ho ibibigay sa inyo. Pag nakapiso na ‘ko.”
“Dumating ang ama mo. Nagalit kanina. Wala akong maibigay.”
Sumigid lalo ang hapdi ng kanyang dibdib. Napatingin siyang matagal sa parang napauunawang mga mata ng kanyang ina. May hapis doong nakapinta, na bahagi na ng mga mata ng kanyang ina, mula pa nang magkamalay siya. Hindi na tuloy siya nakapagpatuloy ng pagkain. Iniligpit niya ang kinainan. Lumapit si Rina, ang sunod sa kanya na mahigpit sa limang taong gulang, at siyang naghugas ng pinggan sa isang nangingitim-ngitim na palanggana.
“Ibigay mo muna ang pera mo, Boloy,” may kalakip na pag-uutos ang tinig ng ina.
Idinukot niya sa bulsa ng pantalon ang kamay. Inilabas ang dalawang tigbebeinte singko sentimos na kinita. Walang imik na iniabot sa ni hindi tumitinag na ina. Ngunit sa kanyang kaibuturan ay gumagahak ang nag-aalimpuyong sigid.
Lumabas siya ng bahay, doon sa mababang kubakob na inari nilang tahanan. A, mula sa malayo-layo, iyon ay parang isang kulungan ng hayop lamang. Ang malalaking sahig na pinatpat na kawayang pinanghingi lamang ay halos bahagya na lamang nakaangat sa lupa. Doon sa gitna ng kubakob na iniiwan nila sa tuwing babagyo pagkat binabaha siya sumilang, nagkaisip. A, doon niya natagpuan ang malulungkot na mata ng kanyang ina, ang yayat at maputlang mukha niyon na parang nakikihamok sa dahas ng buhay. Matapang ang kanyang ina na hindi niya matandaan kung ilang beses lumalaban sa asawa, at umiiyak na lumalaban, sumusuntok, nangangangat. At bumulagta man, ang kanyang maliit na ina’y hindi nabubuwal upang magapi. Hanggang isang gabi’y nakita niyang umiiyak ang kanyang ina, gayong hindi naman nakipag-away sa asawa. At ang kanyang ama na parang noo’y bumait ay umalo ang tinig : Gagaling, gagaling ka, Lilang.
Nakita ng bata na nakatirik na ang araw sa langit. Para iyong nagbabagang lalo, ngunit hindi nananaig sa kumukuyumos na kung papaanong lamig sa kanyang kaibuturan. Nang makalabas siya sa kalsadang nayon, sa dibdib ng kanayunan, nakita niya ang barkada ng mga batang nangaglalakad: malilinis ang damit, may sapin ang mga paa, may sakbat na bag. Patungo ang mga iyon sa paaralang nayon, at nakisabay siya patungo sa poso artesyano na malapit lamang sa paaralan.
“Ba’t di ka pumasok, ha, Boloy?” tanong ng mga batang tinig.
“Ayaw ng Tatay ko!” umagting ang kanyang sagot.
“Pa’no’y lasenggo ang Tatay mo. Sabi ng ‘Tay ko, ‘lang k’wenta raw ‘yong Tatay mo, Boloy. Dapat daw e pumapasok ka rin,” sabi ng isa pa niyang dating kalaro.
“Sabi ng Tatay ko e ‘ala rin daw naman akong kukuwentahin e. Ni ‘ala raw kaming makain.”
“E, kahit na,” naggugumiit ang mga tinig, “sana e napasok ka, Boloy. Kita mo, me bag kami. Saka, sa esk’welaha, matututo ka ring sumulat ng pangalan mo. Pumasok ka, Boloy.”
“Di na raw naman kelangan pa ‘yon e,” giit niya. “’Yon ang sabi ng Tatay ko!”
“At ba’t di? Tamo mo, alam namin ang ‘alan namin. May nem is Pedro Laksa,” may kahalong pagmamalaking sabi ng isa. “E, ‘kaw, ano’ng ‘alan mo?”
Napipi siya. Nakatanga siya. Diyata’y halos mag-iisang buwan pa lang at kay-rami nang alam ng mga kalaro ang hindi niya alam?
“O, ‘no, Boloy? Wat is yur nem?” nanunudyo ang mga tinig. Ano’ng ‘alan mo, ha, Boloy?”
“Di, Boloy,” naisagot niya. “Boloy,” halos pabulong niyang dugtong.
“Di ‘yon. Iyong kompleto. Iyong me may nem. Boloy ano ka?”
“Ewan ko,” natataranta siya. “Tatanong ko sa Inay.”
Noo’y nasa tapat na sila ng poso artesyano. Parang ipinako siya roon nang siya’y maiwan. Nagpatuloy ang mga munting hakdaw, papalayo sa poso artesyano, patugpa sa paaralan.
Naitapat na niya ang balde sa daluyan ng tubig, at tumutungga na siya’y umuukilkil pa rin sa kanya ang sinabi ng mga kalaro. Ano nga ba ang pangalan niya? Alam niya, si Boloy siya. Iyon ang tawag sa buong Guintas. Boloy siya, ang batang nagbibili ng tubig sa mga bahay-bahay, beinte singko, isang balagwit. Ngunit parang hindi si Boloy lamang. Bakit si Edong, sabi niya’y si Pedro Laksa siya. A, ano nga ba ang ngalan niya? Ang tatay niya’y si Detso, at lalong umalinsangan ang init na namamayani sa kanyang katauhan. Detsong lasenggo sa nayon, na ang sabi ng ilan niyang nakakasabay sa pagtungga’y huwag daw niyang paparisan. A, ano nga ba ang tunay na pangalan niya? Itatanong iya sa kanyang Inay, mamayang hapon, pagdating niya, mula sa pagrarasyon ng tubig.
Kumakagat na ang dilim nang tugpain ng paslit ang pabalik sa kanila. Kumakalantog ang baldeng walang laman pag napapalukso siya sa tarundon habang bumabagtas sa mga pilapil. Ang dinaraanang pabalik sa kanila’y mga pilapil ng mga tubigan, at noo’y magtatanim kaya may tubig na ang mga tumana. Sa malabong liwanag ng bagong buwan, mangitim-ngitim ang tubig sa taniman, ngunit nagpatuloy siya bagama’t parang nakadama ng kung anong uri ng takot. A, itatanong niya ang kanyang pangalan sa kanyang ina, at bumilis lalo ang hakdaw niya pauwi.
Tumigil ang hakbang ng paslit sa may dakong pultahan ng tila kubakob na tahanang iyon. Sa labas ng madilim ay nakikita niya ang loob, at parang madilim iyon kaysa kanyang kinaroroonan. Sa anag-ag na liwanag na kingke sa loob ay nakita niyang naroon na ang kanyang ama.
“At ba’t ginabi na naman ang tinamaan ng lintik na Boloy na ‘yan?”
“At di mo ba alam? Naghahanapbuhay ang anak mo!”
“Hanapbuhay na ba ‘yon? Sansalapi lang ang kinita n’ya?”
“Ikaw ang amang s’yang pinakawalang silbi!” malakas na ang tinig ng kanyang ina. “Yang anak mo, ‘yang Boloy, s’yang nagpapakamatay sa hirap. Ako, ako, kita mo, inuubo na ‘ko, nalura na ‘ko ng dugo’y naglalabada pa rin. At ano ang ginagawa mo? Lasing dini, lasing do’n.”
“Tumigil ka!” yumayanig ang nagbabantang tinig ng kanyang ama.
:Sige, gawin mo’ng gusto mo. Patayin mo ‘ko, kaming lahat. Para matapos na ‘tong lahat nang ‘to!”
Lumagpak ang isang kamao. Sa dilim sa labas, tiim-bagang na nakapikit si Boloy. Ngunit parang nakikita niya ang pagsumpaling ng mukha ng kanyang ina, ang pagkabuwal niyon sa sahig. At narinig niya ang dalahit ng ubo niyon, na sinaliwan ng panangis ng kanyang mga kapatid.
“Hayop ka, Detso! Demonyo ka! Sige, sige pa, patayin mo kami!”
Nagkalabugan sa loob. Yumayanig ang loob ng kay liit na bahay na iyon.
“Papatayin ko nga kayo!”
Mabilis siyang pumasok. Nakahandusay ang kanyang ina. Kinakabayuhan ito ng kanyang ama. A, lasing na naman ang kanyang ama. Itinulak siya ng isang lakas. Natagpuan niyang inaawat niya ang kanyang ama, at siya’y lukob ng isang uri ng naghihimagsik na poot. A, ang kanyang ama’y kanyang sunsuntok, sinasabunutan, hinahablot.
“Bitiwan mo’ng “Nay ko!”
Tumayo ang kanyang ama. Susuray-suray na humakbang papalapit sa kanya. Hinawakan ang pinggang isinandal niya sa dingding. Iniamba iyon, at sa isang iglap, inihampas iyon sa kanya. Nakaudlot siya, at yumanig ang hampas niyong sa dingding tumama.
Matuling lumabas ang paslit. Noo’y nakadama siya ng tunay na takot. Nagimbal siya sa larawan ng kanyang ama. Parang ang naroroo’y isang lalaking baliw, nagninigas ang mga mata at animo’y hayop na naninibasib. At papatayin siya ng kanyang ama, a, papatayin siya marahil ng kanyang ama.
Malayo-layo na siya nang siya’y lumingon. At nakita niya ang anino ng kanyang ama. Pasuray-suray din, patuloy na humahabol. Isinibad na siya ng kumukuyumos na takot. A, kailangang makatakas siya.
Hanggang sa makarating siya sa isang kugunan. Burol iyon, at sa dibdib niyon ay kakahuyan. Kung tatakas siya patungo sa nayon ay baka abutan siya ng kanyang ama. A, bahala na, doon sa sukal sa burol siya magtatago, hanggang makaalis ang kanyang Aama, at siya’y makatakas.
Hindi na siya namalisbis sa mga tabi ng pilapil. Tinahak niya ang may tubig tumana. Ngunit patuloy ang kanyang ama. Sumisigaw iyon. Nangangalahati na siya, patugpa sa bundok nang lumusong ang kanyang pasuray-suray na ama. At sa takot niya, siya’y parang ipinako sa hubad na dibdib ng parang na may tubig.
Ngunit sa isang iglap na iyon, nakita niyang waring napasubasob ang kanyang ama. A, marahil ay sa kalasingan. Kumakalabusaw iyon sa tubig. Ilang ulit iyong nakabangon, ngunit babagsak na muli sa tubig. Ano ang nangyari sa kanyang ama?
Kumuyumos ng takot na napalapit ang paslit sa kinabuwalan ng ama. Nakita niyang humahagilap pa ang kanyang ama sa tubig, na parang may nais na makapitan. Ngunit ang nakikita ng paslit ay ang larawan ng ama sa kanilang tahanan na sumisigaw, nang-aapi, nang-aalipin. At nais man niyang tumulong ay kumuyos siya ng sindak. Para siyang itinulos sa kinatatayuan, at unti-unti, ang kamay na humahalibas, kumakalabusaw ay tumindi. Ang munting buwan ay nagtago sa ulap at ang buong paligid ay nilagom ng dilim. Tumakbo siyang papalayo na parang hinahabol ng isang aninong nabuwal sa pusod ng nakakatakot na tubig.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento