Boloy
Ni: Domingo G. Landicho
Magsisiyam na taong gulang na
paslit siyang may malilikot na mata, at parang laging may kinatatakutan.
Patpatin siya, at iyon ay lalo mong mahahalata sa kanyang nanlalalim na mata at
sa tila walang lamang bisig. Marumi at amoy pawis ang kanyang sirang kamisetang
may nakapintang pangalan ng isang naging kandidato sa pagkasenador; at
palibhasa’y masikip na sa kasusuot nang kasusuot, hindi maikukubli roon ang
nakausling buto sa kanyang balikat at ang hungkag na dibdib. Sunog sa araw,
pangit ang pagkapangitim ng kanyang murang balat. At sa malayo, parang
kay-pangit na bata siya. Malago ang kanyang buhok, na sa dakong tuktok ay
nakatirik, at sa dakong unahan ay nakasambulat sa noo. Sa biglang tingin ay
iisispin mong isa siyang haragan. Ngunit kung tititigan mo siyang mabuti ay
mapapansin ang waring nakatago ngunit hindi maikukubling kalumbayan ng kanyang
mga mata, at kung tititig lamang iyon sa iyo, paningin yaong parang napaaawa sa
kaluluwa. Hindi naman tatagal nang pagtitig pagkat iiwas sa iyo at parang sa
kabila ng gayong kawalang pag-asa ay may tinataglay pa ring munting
pagkabayani.
Kahapon ay naroroon siya sa duluhan ng nayon,
na mula sa isang poso artesyano ay may balagwit siyang pingga na may dalawang
latang igibang nakasakwit sa dalawang sabitan. Ang mga latang puno ng inigib ay
halos sumayad na sa lupa pagkat yumuyuko ang pingga sa bigat ng nakasakwit.
Titigil iyon sa isang pultahan, sa bahay nina Ka Isang na walang tagaigib, at
mula roon, dadako na naman siya sa poso, habang ang mukha ng lupang daanan ay
nakapapaso na halos sa mga murang paang walang sapin. Muling tutungga sa poso,
muling babalagwitan ang dala, ipagbibili, babayaran, at kakain. Doon,
mararatnan niya ang isang babaeng kandong ang isang sanggol, na pilit na pinasususo
sa payat na dibdib. Sa dalawang sulok, sa may dakong silangan ng iisang
kuwartong kabahayan, naglalaro ang dalawang paslit, isang babae at isang
lalaki. Sasalagmak ang bata sa sahig; pagkakuha ng isang pinggang nilagyan ng
sinaing na mais na pula, kukunin ang isang bote ng bagoong at magsisimulang
sumubo. Nakatitig siya habang kumakain sa hubad na mukha ng paligid, ng
karalitaan. Iyon ang isang maliliit na kabahayang siyang kainan, siyang
tulugan. Sa may timog, nakabunton ang malilibag na unang ponda. Sa may isang
sulok, nakatayo ang tiniklop na banig. At doon, parang alipin ang kanyang ina
at ang kanyang tatlong kapatid. Nakadama siya ng sumisigid na paghihmagsik.
“Magkano ang napag-igiban mo, Boloy?” paos at
mahina ang tinig ng kanyang ina.
“Sansalapi, Inang.”
“Ibigay mo muna sa’kin,” napauunawa ang tinig
ng ina. Napatingin sa mukha ng ina ang bata na parang may sinisinag na
katotohanan.
“Mam’ya ko na ho ibibigay sa inyo. Pag
nakapiso na ‘ko.”
“Dumating ang ama mo. Nagalit kanina. Wala
akong maibigay.”
Sumigid lalo ang hapdi ng kanyang dibdib.
Napatingin siyang matagal sa parang napauunawang mga mata ng kanyang ina. May
hapis doong nakapinta, na bahagi na ng mga mata ng kanyang ina, mula pa nang
magkamalay siya. Hindi na tuloy siya nakapagpatuloy ng pagkain. Iniligpit niya
ang kinainan. Lumapit si Rina, ang sunod sa kanya na mahigpit sa limang taong
gulang, at siyang naghugas ng pinggan sa isang nangingitim-ngitim na
palanggana.
“Ibigay mo muna ang pera mo, Boloy,” may
kalakip na pag-uutos ang tinig ng ina.
Idinukot niya sa bulsa ng pantalon ang kamay.
Inilabas ang dalawang tigbebeinte singko sentimos na kinita. Walang imik na
iniabot sa ni hindi tumitinag na ina. Ngunit sa kanyang kaibuturan ay gumagahak
ang nag-aalimpuyong sigid.
Lumabas siya ng bahay, doon sa mababang
kubakob na inari nilang tahanan. A, mula sa malayo-layo, iyon ay parang isang
kulungan ng hayop lamang. Ang malalaking sahig na pinatpat na kawayang
pinanghingi lamang ay halos bahagya na lamang nakaangat sa lupa. Doon sa gitna
ng kubakob na iniiwan nila sa tuwing babagyo pagkat binabaha siya sumilang,
nagkaisip. A, doon niya natagpuan ang malulungkot na mata ng kanyang ina, ang
yayat at maputlang mukha niyon na parang nakikihamok sa dahas ng buhay.
Matapang ang kanyang ina na hindi niya matandaan kung ilang beses lumalaban sa
asawa, at umiiyak na lumalaban, sumusuntok, nangangangat. At bumulagta man, ang
kanyang maliit na ina’y hindi nabubuwal upang magapi. Hanggang isang gabi’y
nakita niyang umiiyak ang kanyang ina, gayong hindi naman nakipag-away sa
asawa. At ang kanyang ama na parang noo’y bumait ay umalo ang tinig : Gagaling,
gagaling ka, Lilang.
Nakita ng bata na nakatirik na ang araw sa
langit. Para iyong nagbabagang lalo, ngunit hindi nananaig sa kumukuyumos na
kung papaanong lamig sa kanyang kaibuturan. Nang makalabas siya sa kalsadang
nayon, sa dibdib ng kanayunan, nakita niya ang barkada ng mga batang
nangaglalakad: malilinis ang damit, may sapin ang mga paa, may sakbat na bag.
Patungo ang mga iyon sa paaralang nayon, at nakisabay siya patungo sa poso
artesyano na malapit lamang sa paaralan.
“Ba’t di ka pumasok, ha, Boloy?” tanong ng mga
batang tinig.
“Ayaw ng Tatay ko!” umagting ang kanyang
sagot.
“Pa’no’y lasenggo ang Tatay mo. Sabi ng ‘Tay
ko, ‘lang k’wenta raw ‘yong Tatay mo, Boloy. Dapat daw e pumapasok ka rin,”
sabi ng isa pa niyang dating kalaro.
“Sabi ng Tatay ko e ‘ala rin daw naman akong
kukuwentahin e. Ni ‘ala raw kaming makain.”
“E, kahit na,” naggugumiit ang mga tinig,
“sana e napasok ka, Boloy. Kita mo, me bag kami. Saka, sa esk’welaha, matututo
ka ring sumulat ng pangalan mo. Pumasok ka, Boloy.”
“Di na raw naman kelangan pa ‘yon e,” giit
niya. “’Yon ang sabi ng Tatay ko!”
“At ba’t di? Tamo mo, alam namin ang ‘alan
namin. May nem is Pedro Laksa,” may kahalong pagmamalaking sabi ng isa. “E,
‘kaw, ano’ng ‘alan mo?”
Napipi siya. Nakatanga siya. Diyata’y halos
mag-iisang buwan pa lang at kay-rami nang alam ng mga kalaro ang hindi niya
alam?
“O, ‘no, Boloy? Wat is yur nem?” nanunudyo ang
mga tinig. Ano’ng ‘alan mo, ha, Boloy?”
“Di, Boloy,” naisagot niya. “Boloy,” halos
pabulong niyang dugtong.
“Di ‘yon. Iyong kompleto. Iyong me may nem.
Boloy ano ka?”
“Ewan ko,” natataranta siya. “Tatanong ko sa
Inay.”
Noo’y nasa tapat na sila ng poso artesyano.
Parang ipinako siya roon nang siya’y maiwan. Nagpatuloy ang mga munting hakdaw,
papalayo sa poso artesyano, patugpa sa paaralan.
Naitapat na niya ang balde sa daluyan ng
tubig, at tumutungga na siya’y umuukilkil pa rin sa kanya ang sinabi ng mga
kalaro. Ano nga ba ang pangalan niya? Alam niya, si Boloy siya. Iyon ang tawag
sa buong Guintas. Boloy siya, ang batang nagbibili ng tubig sa mga bahay-bahay,
beinte singko, isang balagwit. Ngunit parang hindi si Boloy lamang. Bakit si
Edong, sabi niya’y si Pedro Laksa siya. A, ano nga ba ang ngalan niya? Ang
tatay niya’y si Detso, at lalong umalinsangan ang init na namamayani sa kanyang
katauhan. Detsong lasenggo sa nayon, na ang sabi ng ilan niyang nakakasabay sa
pagtungga’y huwag daw niyang paparisan. A, ano nga ba ang tunay na pangalan
niya? Itatanong iya sa kanyang Inay, mamayang hapon, pagdating niya, mula sa
pagrarasyon ng tubig.
Kumakagat na ang dilim nang tugpain ng paslit
ang pabalik sa kanila. Kumakalantog ang baldeng walang laman pag napapalukso
siya sa tarundon habang bumabagtas sa mga pilapil. Ang dinaraanang pabalik sa
kanila’y mga pilapil ng mga tubigan, at noo’y magtatanim kaya may tubig na ang
mga tumana. Sa malabong liwanag ng bagong buwan, mangitim-ngitim ang tubig sa
taniman, ngunit nagpatuloy siya bagama’t parang nakadama ng kung anong uri ng
takot. A, itatanong niya ang kanyang pangalan sa kanyang ina, at bumilis lalo
ang hakdaw niya pauwi.
Tumigil ang hakbang ng paslit sa may dakong
pultahan ng tila kubakob na tahanang iyon. Sa labas ng madilim ay nakikita niya
ang loob, at parang madilim iyon kaysa kanyang kinaroroonan. Sa anag-ag na
liwanag na kingke sa loob ay nakita niyang naroon na ang kanyang ama.
“At ba’t ginabi na naman ang tinamaan ng
lintik na Boloy na ‘yan?”
“At di mo ba alam? Naghahanapbuhay ang anak mo!”
“Hanapbuhay na ba ‘yon? Sansalapi lang ang
kinita n’ya?”
“Ikaw ang amang s’yang pinakawalang silbi!”
malakas na ang tinig ng kanyang ina. “Yang anak mo, ‘yang Boloy, s’yang
nagpapakamatay sa hirap. Ako, ako, kita mo, inuubo na ‘ko, nalura na ‘ko ng
dugo’y naglalabada pa rin. At ano ang ginagawa mo? Lasing dini, lasing do’n.”
“Tumigil ka!” yumayanig ang nagbabantang tinig
ng kanyang ama.
:Sige, gawin mo’ng gusto mo. Patayin mo ‘ko,
kaming lahat. Para matapos na ‘tong lahat nang ‘to!”
Lumagpak ang isang kamao. Sa dilim sa labas,
tiim-bagang na nakapikit si Boloy. Ngunit parang nakikita niya ang pagsumpaling
ng mukha ng kanyang ina, ang pagkabuwal niyon sa sahig. At narinig niya ang
dalahit ng ubo niyon, na sinaliwan ng panangis ng kanyang mga kapatid.
“Hayop ka, Detso! Demonyo ka! Sige, sige pa,
patayin mo kami!”
Nagkalabugan sa loob. Yumayanig ang loob ng
kay liit na bahay na iyon.
“Papatayin ko nga kayo!”
Mabilis siyang pumasok. Nakahandusay ang
kanyang ina. Kinakabayuhan ito ng kanyang ama. A, lasing na naman ang kanyang
ama. Itinulak siya ng isang lakas. Natagpuan niyang inaawat niya ang kanyang
ama, at siya’y lukob ng isang uri ng naghihimagsik na poot. A, ang kanyang
ama’y kanyang sunsuntok, sinasabunutan, hinahablot.
“Bitiwan mo’ng “Nay ko!”
Tumayo ang kanyang ama. Susuray-suray na
humakbang papalapit sa kanya. Hinawakan ang pinggang isinandal niya sa
dingding. Iniamba iyon, at sa isang iglap, inihampas iyon sa kanya. Nakaudlot
siya, at yumanig ang hampas niyong sa dingding tumama.
Matuling lumabas ang paslit. Noo’y nakadama
siya ng tunay na takot. Nagimbal siya sa larawan ng kanyang ama. Parang ang
naroroo’y isang lalaking baliw, nagninigas ang mga mata at animo’y hayop na
naninibasib. At papatayin siya ng kanyang ama, a, papatayin siya marahil ng
kanyang ama.
Malayo-layo na siya nang siya’y lumingon. At
nakita niya ang anino ng kanyang ama. Pasuray-suray din, patuloy na humahabol.
Isinibad na siya ng kumukuyumos na takot. A, kailangang makatakas siya.
Hanggang sa makarating siya sa isang kugunan.
Burol iyon, at sa dibdib niyon ay kakahuyan. Kung tatakas siya patungo sa nayon
ay baka abutan siya ng kanyang ama. A, bahala na, doon sa sukal sa burol siya magtatago,
hanggang makaalis ang kanyang Aama, at siya’y makatakas.
Hindi na siya namalisbis sa mga tabi ng
pilapil. Tinahak niya ang may tubig tumana. Ngunit patuloy ang kanyang ama.
Sumisigaw iyon. Nangangalahati na siya, patugpa sa bundok nang lumusong ang
kanyang pasuray-suray na ama. At sa takot niya, siya’y parang ipinako sa hubad
na dibdib ng parang na may tubig.
Ngunit sa isang iglap na iyon, nakita niyang
waring napasubasob ang kanyang ama. A, marahil ay sa kalasingan. Kumakalabusaw
iyon sa tubig. Ilang ulit iyong nakabangon, ngunit babagsak na muli sa tubig.
Ano ang nangyari sa kanyang ama?
Kumuyumos ng takot na napalapit ang paslit sa
kinabuwalan ng ama. Nakita niyang humahagilap pa ang kanyang ama sa tubig, na
parang may nais na makapitan. Ngunit ang nakikita ng paslit ay ang larawan ng
ama sa kanilang tahanan na sumisigaw, nang-aapi, nang-aalipin. At nais man
niyang tumulong ay kumuyos siya ng sindak. Para siyang itinulos sa
kinatatayuan, at unti-unti, ang kamay na humahalibas, kumakalabusaw ay tumindi.
Ang munting buwan ay nagtago sa ulap at ang buong paligid ay nilagom ng dilim.
Tumakbo siyang papalayo na parang hinahabol ng isang aninong nabuwal sa pusod
ng nakakatakot na tubig.